Bakit kaya ang mga tao sinasabing mahirap ang buhay ngayon , mataas ang presyo ng bilihin at gasolina,
maraming utang at kung anu ano pa. Pero tuwing bagong bagong taon ay nakakabili ng paputok? Natatandaan ko nung nagaaral pa ako, sa paguwi ko sa probinsya na kilokilometro ang trapik sa exit ng Bocaue sa Express way. Ilang oras ang gugugulin ko para lang makalagpas sa trapik na yun. ...Sa haba nun pede ka nang abutin ng bagong taon sa daan. Mahaba din ang hilera ng mga nagtitinda ng paputok sa daan at nagkukumpulan ang mga parokyano na kala mo tumataya sa karera ng kabayo.
Nung bata ako naalala ko na naglalaro kami ng bespren ko na si Balong ng mga paputok. Mas matapang sya sa akin dahil ang pinaglalaruan nya ay mga bawang at plapla, meron ding superlolo. Ako isang box ng watusi at darna. Minsan nagpapaputok din ako ng 5 star. Pero nilalagyan ko ito ng timer. Naglalaro din kami ng kanyon na may kalboro. Na kahit na kanyon ay safe at mas malakas sa uri ng mga paputok nung mga panahong yun. Pero ang pinakaespesyal ay ang aming homemade paputok. Isang kahoy na nilagyan ng nakabaluktot na bakal na may goma ng tirador at basyo ng bala ng baril. Lalagyan mo ito ng tinatawag naming PERMINANTE (isang uri ng paputok na kulay pula na kailangan pukpukin para pumutok). Malakas ito. Sobrang nakakatulig , pero kami tuloy ang pukpok ng aming sandata hangang mabingi na kami at di na namin namamalayan na tinatawag na pala kami ng mga nanay namin.
Ngayon sa mga nakikita ko, wala akong masabi sa mga bagong paputok na napakalalakas, di ko alam kung sinong bingi ang nakaimbento nito para lang marinig nyang mahina pa ang putok ng superlolo. Ito ngayon ay nagebolb na bilang goodbye earth, Binladen, at ang pinakabagong Good Bye Philippines. Ang watusi noon ay nagebolb na bilang Picollo. Sabagay ang watusi ay nakakalason pag iyong kinain at nakakapaso lalo na pag kiniskis mo ng kabuhok na lang ang laki. Nakakagulat din ang watusi pag naapakan dahil bigla itong pumuputok na minsan ay nagiging sanhi ng pagkabagok.
Siguro obsolit na din ngayon ang mga 1 star na paputok. Dahil walang sinabi ang putok nito sa malagranadang mga tunog ngayon.
Ang punto ko lang po ngayon, bilang mga taong may eksperyens na sa paputok nung ating mga kabataan, wag na sana natin ipamana ang ganitong tradisyon sa ating mga anak. Ipangaral natin ang ating mga nakita sa telebisyon nung araw. Na hindi makakabuti sa lahat ang magpaputok sa bagong taon. Sa aking sariling opinyon ang tradisyong makakapagpaalis ng masasamang espirito ang mga paputok ay mali. Sa laki ba naman ng mga paputok ngayon e kahit mga alien sa ibang planeta ay maririnig ito.
Kung di talaga maiwasan ang magpaputok lalo ang mga makatradisyong ating mga kababayan ,(mga lasing na gusto lang mangbulahaw), tayo po ay magingat at isipin na mas importante ang mga buto at mga laman sa ating mga daliri kesa sa pagpapalis ng mga masasamang espirito. Sa mga panahong ito mga rapist, masasamang loob at mga corrupt na opisyal ang ating kailangang paputukan at bulahawin.
Maligayang Bagong Taon sa inyong lahat.
No comments:
Post a Comment