Powered By Blogger

Saturday, December 31, 2011

Walang Katulad ang Bagong Taon sa Pilipinas.





Bilang isang owepdobolyu sa gitnang silangan, hindi maikukumpara ang selebrasyon ng bagong taon dito kesa sa Pinas. Lahat kaming wala dyan sa Pinas ay wala nang ibang mahihiling pa kundi magteleport sa oras na malapit nang mag alas dose. Pakinggan ang mga nakagawiang magpaputok ng kwitis at ang maiilaw na krismas layts na mga bago pa mag valentines day tatangalin. Na makasama ang buong pamilya, Si lolo at lola, si Nanay at Tatay, Si ate at kuya hangang sa apo sa tuhod at minsan kasama din ang mga apo sa talmpakan at mga apo sa balunbalunan at kung sino sino pang mga kamaganak at kapitbahay.

 

Pero bago ang lahat magsisimba muna ang buong maganak, sympre suot mo ang bago mong damit na binili mo nung pasko.  Nung bata ako hindi ako makapagkonsetreyt sa pagsisimba dahil hindi muna ako papakainin ng nanay ko at maghintay na daw ako ng sabaysabay kakain sa oras ng alas dose. Minsan ay tumatakas ako sa pagpapak ng lumpya, o menudo, at pag walang makuha e ubas na lang. Gutom na gutom ako sa simbahan. Pero ok lang dahil sabi ko nga suot ko ang bago kong damit. Mabango pa at amoy SM. Kaya payabangan muna kaming magkakaibigan. Di naman kami papasok nun sa simbahan e. Dun lang kami tatambay sa upuan sa labas. Haay sarap maging bata. Ewan ko ba kung bakit yung mga bata e gustong tumanda at yung mga matanda e nagsisinungaling pa sa edad bumata lang.



Pag tapos magsimba, kanya kanyang hangos na sa bahay at maghahanda na ng mga trompilyo. Ang mga sinturon ni hudas ay ilalatag na at ang mga fountain ay ipupwesto na. Dapat makapaghanda ng maaga para masindihan agad pag sapit ng alas dose. Nakakabad trip kasi kung ayaw sumindi ng paputok mo tapos mas malakas na ang tunog ng sa kapitbahay. Tapos pataasan ng fountain. Mas malaki mas ok. Yuung tipo bang yung apoy e aabot na sa 3rd floor ng bahay ng kapitbahay o sa kawad ng kuryente yun ang mas ok. Pero nakakatakot naman kasi ang fountain punong puno ng pulbura yun at kung sumabog yun sa kamay mo e malamang yung mga daliri mo ang ihahanda mo bilang tocino o kaya ay barbeque. Eew!! Basahin nyo na lang yung nauna kong post tungkol sa paputok.  



Sympre eto na ang paborito ng mga kaibigan kong lasenggo pag tapos ng kainan sa bahay ayan na.. pupunta na sa inuman yan. Magkikita kita na kami sa aming tagpuan kung saan man mapagkasunduan na lugar na gusting mukang Jurassic park pag dating ng umaga. Di pedeng taon taon sa isang bahay e kasi alam mo naman ban na kami pag tapos ng inuman. So ayan sa inuman maguusap ng mga drama sa buhay nung nakaraang taon, mga tsismis sa showbiz at sa ibang tropa, pede na din kung sino ang pinakamadaming naging chiks. Sympre ako ang bumabangka dun. Dati yun ha. Tapos dadating na dyan yung kaibigan kong born again at pangangaralan kaming lahat. May asar, hangang sa magtalo na magaway magsapakan ayan barangayan na.  So next year yan na ang paguusapan naming yung mga mukang tanga nung nakaraang bagong taon.



Yan ang sarap simulan mo ang unang araw ng taon ng may hangover, masakit ang ulo, putol ang kamay, masakit ang dibdib, suka ng suka, nagtatae, o minsan pa ay may black eye o hindi man lang alam ang nangyari nung besperas. Ay sarap.. Pero yan ang nakaugalian natin. Kahit ano pang sinabi kong masama, yun pa din ang gusto kong pagseselebreyt ng bagong taon. At kahit nasaan man kami maging nasa ibang planeta man e hindi namin pagpapalit yan. Maliban na lang sa paputok. Laging tatandaan ok lang na lasing wag lang walang putok ang daliri at kamay.

Resolusyon

Itong darating na 2012 gagawa na naman tayo ng mga new years resolusyon na simula pa nung sanggol tayo ay atin nang ginawa. Sa aking sariling opinion ay ang pagawa ng mga resolusyon na ito  sa bagong taon ay isang malaking kasinungalingan sa sarili. Hindi ko sinasabing hindi kaya itong gawin ng lahat ng tao. Ang kailangan kasi dito ay dedikasyon at komitment sa sarili. Marami sa atin ay wala nito. Para lang yang isang laging sinasabi natin na bukas hihinto na ako sa paginom, bukas hihinto na ako magyosi, at bukas ay magdidiet na talaga ako. Dahil unang una pag bagong taon ay sandamakmak na alak at pagkain ang nakahanda. Pwede ka pang maglipat lipat ng bahay meron pang tirang pagkain. Kinabukasan makikita mo si muning at si bantay na bundat at malapit nang mamatay sa pagkaempacho.
Sa pagawa natin ng pagbabago sa sarili kasabay ng bagong taon. Kailangan natin ng panata at isang pangako sa sarili na hindi ko na gagawin ang mga bagay na kung ano man yun. Kahit naman kasi hindi na napakahabang listahan na para kang nangungumpisal ang gawin mo. Kahit isa lang naman basta lang may maituwid ka lang sa landas mong bumabaluktot o mali.
Taon taon makikita natin sa Telebisyon na nakikipanayam sa mga artista at mga personalidad. Ganito daw ganun daw babaguhin ko na to, di na ko magddroga, di na ako mangbabakla, at kung anu ano pa. Pero ewan ko lang kung nagawa ba nila di ko naman kasi nasubaybayan kahit na medyo tsismoso ako. Tatanong ko na lang kay aling kontsing dyan sa kanto.
Madidinig din natin ang mga Fortune Teller tungkol sa kahihinatnan ng ating mga Zodiac signs.

 Taurus – magiingat sa lovelife maari kang lokohin ng partner mo sa iyong kumpare o kung babae naman ay kumare.
 Pisces – Mawawalan ka ng trabaho. Kaya akitin mo ang boss para maging ligtas sa tanggalan.


Aquarius – Wag matutulog habang nagmamaneho. Magiingat din sa mga rapist.

Capricorn – Wag magpupunta kung saan saan, madidisgrasya ka.
Virgo – Bilang na ang mga araw mo.
Kung hangang ngayon ay nagpapaniwala ka pa sa mga hula o naniniwala ka pa din sa lahat ng sinasabi ni Madam Awring e gud lak na lang sayo. Lagi lang tatandaan meron tayong free will at mga sarili lang natin ang guguhit ng ating mga kapalaran.
Kahit nung bata ako ay nagbabasa din ako ng ganyan. At kahit papaano umaasa sa mga nababasa ko sa dyaryo tungkol sa aking Zodiac. Sa telebisyon naman  mas naniniwala ako kay Dr. Marji Holmes kesa kay Madam Awring. Ewan ko ba , sa di ko maipaliwanag na dahilan.
Ok, sa resolusyon uli. Ako sa sarili ko, hindi ako hipokrito. Ako man ay kasama sa mga sinasabi kong walang mga disiplina sa sarili. Siguro kung iisipin ko yung mga nagawa ko dating resolusyon ay wala siguro akong nabago. E pano mo ba naman kasi iiwasan ang pagkain. Pati ang mga ibang bisyo. E kung anung bawal yun nga ang masarap e. Kaya nga masarap ang buhay.
  Etong taon na to meron pa din akong gagawin . Pero pinangako ko to sa sarili ko mga isang taon na ang nakakalipas. Nung nakilala ko ang babae sa buhay ko. Itago na lang natin sya sa pangalang Aileen. Ang kwento naming sa susunod na kabanata na. Pero sabi ko lang sya na ang huling huling babae sa buhay ko. At hangang ngayon ay solid pa din. O yeah!! Bisyo? Mmm Zero pa ako sa resolusyon na yan saka na lang siguro pag nasa ospital na ako.

Thursday, December 29, 2011

Paputok

Bakit kaya ang mga tao sinasabing mahirap ang buhay ngayon , mataas ang presyo ng bilihin at gasolina,
maraming utang at kung anu ano pa. Pero tuwing bagong bagong taon ay nakakabili ng paputok? Natatandaan ko nung nagaaral pa ako, sa paguwi ko sa probinsya na kilokilometro ang trapik sa exit ng Bocaue sa Express way. Ilang oras ang gugugulin ko para lang makalagpas sa trapik na yun. ...Sa haba nun pede ka nang abutin ng bagong taon sa daan. Mahaba din ang hilera ng mga nagtitinda ng paputok sa daan at nagkukumpulan ang mga parokyano na kala mo tumataya sa karera ng kabayo.

Nung bata ako naalala ko na naglalaro kami ng bespren ko na si Balong ng mga paputok. Mas matapang sya sa akin dahil ang pinaglalaruan nya ay mga bawang at plapla, meron ding superlolo. Ako isang box ng watusi at darna. Minsan nagpapaputok din ako ng 5 star. Pero nilalagyan ko ito ng timer. Naglalaro din kami ng kanyon na may kalboro. Na kahit na kanyon ay safe at mas malakas sa uri ng mga paputok nung mga panahong yun. Pero ang pinakaespesyal ay ang aming homemade paputok. Isang kahoy na nilagyan ng nakabaluktot na bakal na may goma ng tirador at basyo ng bala ng baril. Lalagyan mo ito ng tinatawag naming PERMINANTE (isang uri ng paputok na kulay pula na kailangan pukpukin para pumutok). Malakas ito. Sobrang nakakatulig , pero kami tuloy ang pukpok ng aming sandata hangang mabingi na kami at di na namin namamalayan na tinatawag na pala kami ng mga nanay namin.

Ngayon sa mga nakikita ko, wala akong masabi sa mga bagong paputok na napakalalakas, di ko alam kung sinong bingi ang nakaimbento nito para lang marinig nyang mahina pa ang putok ng superlolo. Ito ngayon ay nagebolb na bilang goodbye earth, Binladen, at ang pinakabagong Good Bye Philippines. Ang watusi noon ay nagebolb na bilang Picollo. Sabagay ang watusi ay nakakalason pag iyong kinain at nakakapaso lalo na pag kiniskis mo ng kabuhok na lang ang laki. Nakakagulat din ang watusi pag naapakan dahil bigla itong pumuputok na minsan ay nagiging sanhi ng pagkabagok.
Siguro obsolit na din ngayon ang mga 1 star na paputok. Dahil walang sinabi ang putok nito sa malagranadang mga tunog ngayon.

Ang punto ko lang po ngayon, bilang mga taong may eksperyens na sa paputok nung ating mga kabataan, wag na sana natin ipamana ang ganitong tradisyon sa ating mga anak. Ipangaral natin ang ating mga nakita sa telebisyon nung araw. Na hindi makakabuti sa lahat ang magpaputok sa bagong taon. Sa aking sariling opinyon ang tradisyong makakapagpaalis ng masasamang espirito ang mga paputok ay mali. Sa laki ba naman ng mga paputok ngayon e kahit mga alien sa ibang planeta ay maririnig ito.

Kung di talaga maiwasan ang magpaputok lalo ang mga makatradisyong ating mga kababayan ,(mga lasing na gusto lang mangbulahaw), tayo po ay magingat at isipin na mas importante ang mga buto at mga laman sa ating mga daliri kesa sa pagpapalis ng mga masasamang espirito. Sa mga panahong ito mga rapist, masasamang loob at mga corrupt na opisyal ang ating kailangang paputukan at bulahawin.

Maligayang Bagong Taon sa inyong lahat.
 

Unang Post

Sa unang post kong ito. Gusto ko lang munang magbigay ng mga paglalarawan sa aking sarili. Sympre hindi ko sasabihn ang aking totoong pangalan, address, at marital status sa kadahilanan ginawa ko itong blog na ito para sa aking "alter ego". Parang malasuperman ang dating diba. Gusto ko lang kasing isulat ang mga pangyayari sa buhay ko dahil medyo marami na akong napagdaanang drama at minsan ay may pagkaextreme pa ang aking mga pinagagawa. Parang nawala ako sa topic ah. Ay oo nga pala.. ayun... nagpapakilala nga pala ako. Unang una wala ako sa Pilipinas, isa akong Owepdobolyu, ang edad ko ay nasa trenta, medyo maputi at sabi nila ay muka daw akong halimaw pag galit. O ayan pede na yan. Baka mapanaginipan nyo pa ang mukha ko at bangungutin pa kayo at sisihin nyo pa ako.

Ang sabi ko nga medyo mahirap at hindi madali ang buhay ko. Pero siguro dahil lang yun sa hindi ako kuntento sa mahabang panahon. Dahil kung magkkwento naman ako. Marami maiingit sa pinagdaanan ko. Para sa akin mahirap pero bahala na kayong humusga Blog ko naman to at pwede ko sabihin kung anung gusto ko.

Ang point ko lang naman dito ay ikwento ang mga napagdaanan ko. Sa tingin ko may mga taong magiging interesado pero hindi sa punto na gagawin sa maala ala mo kaya. Hindi naman ganun kadrama.

O ayan ok na muna yan. Shet parang walang sense ang mga sinabi ko ah. Sige unang post pa lang naman e. Basal pa.